PROJECT JUAN

Act Forum Online
8 min readMay 20, 2023

--

Kristhina Marie Catapia

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at tumambad sa aking harapan ang isang lalaking nakasuot ng magarang apron at salamin. Mukhang nasa 60 anyos na ang lalaki, hindi katangkaran at may pagkapatpatin. Agad na tumulo ang kanyang mga luha nang makitang gising na ako. Nagtataka akong umupo mula sa pagkakahiga at mas lalo pang tinitigan ang lalaki. Sino siya? Bakit siya umiiyak? Kilala niya ba ako?

“Sana tama ang desisyon ko,” bulong ng lalaki at mabilis na pinalis ang kanyang mga luha. Umubo ito saglit at humarap sa akin. “Hello, ako si Mang Nestor. Ako ang gumawa sa’yo,” wika niya. May tumulo muling luha mula sa kanyang mga mata. Nang mapansin niya iyon ay mahina siyang tumawa. “Pasensya ka na, a? Ito kasi ang unang beses na gumana ang code na ginamit ko sa’yo. Kaya pala hindi gumana ang mga nauna dahil kulang ka pa ng piyesa. Kailangan pala ay mayroon kang utak at puso mula sa akin,” paliwanag ng lalaking nagpakilalang Mang Nestor. Kahit hindi lubusang naunawaan ang kanyang sinabi ay tumango na lang ako.

“Ano pong pangalan ko?” tanong ko kay Mang Nestor. “Juan,” sagot naman niya. Garalgal pa ang boses ko kaya napahawak ako sa aking leeg. Kinapa ko ito saglit at nakaramdam ako ng init mula rito. Mayroong magnet at cone na nakakabit sa aking leeg katulad ng isang normal na speaker. Bumaba ang tingin ko sa aking mga braso. Hindi ko alam ang eksaktong tatak ng mga materyales na ito ngunit mukhang gawa ito sa bakal na tubo. Iyong mga madalas na pantakip sa mga wire. Pero paano ko naman nalaman ang mga ito? Saan galing ang kaalaman at alaalang ito? “Bakit hindi po ako nagugulat sa mga nakikita ko? Bakit alam ko po kung ano ang magnet, speaker, at tubo?” takang-taka kong tanong. Tipid na ngumiti si Mang Nestor. Tinabihan niya ako sa kama, hinubad ang kanyang magarang salamin saka ito ipinatong sa isang maliit na unan. Pinindot niya ang bridge ng salamin saka in-adjust ang lente nito. Agad namang nag-flash sa pader ang hologram mula sa magarang salamin ni Mang Nestor. “Play,” wika ni Mang Nestor at awtomatikong ipinakita ng hologram ang isang bidyo. Sa kaliwang bahagi ng bidyo ay makikita ang petsa kung kailan kinuha ang pinapanood namin: Mayo 2089. Tatlong taon na rin ang nakalipas.

Sa bidyo ay abalang nagkukumpuni si Mang Nestor ng isang ulo ng robot. Mayroon na itong screen para sa mata, speakers para sa boses, at maliit na headphones para sa pandinig. Nagkalat ang mga turnilyo, tubo, wires, at iba pang materyales sa lamesa kung saan inaayos ni Mang Nestor ang robot. Isinalpak ni Mang Nestor ang power chip at code card sa batok ng robot. Umilaw ang mga mata nito at bumati ng “Hello” ngunit kaagad ding namatay pagkalipas ng tatlong segundo. Bumuntong-hininga si Mang Nestor, hinawakan ang kanyang ulo, at mariing pumikit. Isang minuto siyang nasa ganoong posisyon nang bigla siyang magdilat ng mata na parang may nadiskubreng kasagutan. Bigla na lamang niyang pinindot ang kanyang kaliwang mata. Pagkapindot ay naiwang puti ang kaliwang mata ni Mang Nestor. Bumukas din ang kanyang ulo at lumabas ang stand holder ng kanyang utak. Kalahating tao at kalahating robot ang utak ni Mang Nestor. Tumitibok ang parteng tao samantalang nagba-buzz naman ang parteng robot. Hindi nag-aksaya ng oras si Mang Nestor at kaagad siyang pumilas ng maliit na piraso mula sa gitnang bahagi ng kanyang utak. Pinindot niya muli ang kanyang kaliwang mata at bumalik siya sa dati niyang anyo. Gamit ang kanyang robot gloves ay idinikit niya ang piraso ng kanyang utak sa pumpon ng wire sa bandang ulo ng robot. Nagliwanag ang buong silid at naaninag sa bidyo na unti-unting dumidikit ang mga wire sa piraso ng utak na inilagay ni Mang Nestor sa ulo ng robot. Nagbago ang anyo ng robot at mas nagmukha itong tao. Tumigil ang bidyong pinapanood namin ni Mang Nestor.

“Ikaw ang robot na ‘yon, Juan,” marahang sabi ni Mang Nestor. May pinindot siyang muli sa kanyang salamin at ipinakita nito ang repleksyon naming dalawa. Kagaya ng sinabi ni Mang Nestor, kamukha ko nga ang robot na nasa bidyo. “Kaya malay ka na sa mekanismo ng buhay dahil may piraso ng utak ko sa ulo mo. Ganoon din ang kaso sa puso mo, kaya huwag kang magtataka kapag nakaramdam ka ng emosyon, a?” dagdag pa ng matandang lalaki. Gulat man ay napangiti ako sa sinabi ni Mang Nestor. Hindi pa rin malinaw ang lahat sa akin pero alam kong siya ang dahilan kung bakit ako buhay ngayon.

Mula sa https://www.medicalnewstoday.com/articles/315369

~*~

Kumakain ako ng battery biscuits ngayon. Literal na baterya ang mga ito na nakalagay sa isang maliit na supot. Iba-iba ang lasa ng mga biskwit base sa kanilang mga kulay (lasang avocado ang berdeng baterya, mangga naman ang dilaw, at mansanas ang pula). Sabi ni Mang Nestor, ito raw muna ang kainin ko dahil baka raw mabigla ako kapag kumain ako kaagad ng mas malaki at mas mabigat na baterya.

Nasa labas ngayon si Mang Nestor. Nagpaalam siyang may bibilhin lang sa malapit na hardware sa bayan. Aalukin ko pa sanang sasamahan ko na siya pero bago pa man ako makapagsalita ay nakalabas na ito ng bahay. Hindi pa ata siya handang magpaliwanag. Paano kasi’y tinanong ko siya kung bakit niya ako ginawa; ano ba kako ang purpose ko dahil wala naman akong makuhang command mula sa aking code card tungkol dito. Umiwas ng tingin si Mang Nestor at bumuntong-hininga. Alanganin itong ngumiti habang nakatitig sa sahig. “S-sinadya ko talagang w-wala kang p-purpose command para i-ikaw na mismo ang makadiskubre at magdesisyon k-kung para saan ka ba n-nabubuhay,” uutal-utal na sagot ni Mang Nestor. Saka siya mabilis na naglakad paalis ng bahay.

Bumalik sa kasalukuyan ang aking atensyon nang biglang bumukas ang holo-screen sa aking harapan. Pinagpag ko ang aking kamay at inilapag ang pakete ng battery biscuits sa lamesa. Naka-flash sa screen ang mga katagang “Breaking News” habang isang robot na naka-business attire ang nakaharap ngayon sa camera. “Panalo sa pagka-presidente si Fernando Magna, Jr., anak ng dating pangulong Magna na isang kilalang diktador sa Arkipelago,” wika ng news anchor. Ipinakita sa screen ang tinutukoy na bagong pangulo ng Arkipelago; mukhang kasing-edad ito ni Mang Nestor, tama lang ang tangkad, kulay tsokolate ang balat, at nakasuot ng kulay pulang polo shirt. Napasapo ako sa aking noo nang bigla itong kumirot. Lumitaw ang imahe ng isang lalaking binaril sa aking harapan. Napalitan ito ng isa pang alaala: binubugbog ako, kinukuryente, at nilulunod sa drum. Nakita ko rin ang pagbaril sa akin ng isang robot mutt at pagbagsak ng katawan ko sa lupa. Kanino ang mga alaalang ito? Kay Mang Nestor ba? Nabigla ako sa bigat na dumagan sa aking dibdib. Kahit imposible, pakiramdam ko ay hindi ako makahinga at para akong napaparalisa. Nanghina ako at kinailangan kong kumapit sa lamesa dahil pakiramdam ko rin ay nasusuka ako. Ito ba ang sinasabing emosyon ni Mang Nestor kanina? Nakaluhod na ako ngayon sa sahig; sapo ng isang kamay ang ulo samantalang mahigpit ang pagkakahawak ng isa pang kamay sa lamesa. Ganoon ako dinatnan ni Mang Nestor.

“A-anong nangyari, Juan?” tanong niya. Sasagot pa lamang ako nang biglang ulitin ng news anchor ang balitang nanalo sa pagkapangulo si Magna Jr. Nabitawan ni Mang Nestor ang dala niyang smart bag. Napaluhod din siya at mahigpit na hinawakan ang kanyang dibdib. Saka siya pumalahaw na parang may naaalala mula sa nakaraan. Alaala niya nga siguro ang mga nakita ko kanina. Tiningnan ako ni Mang Nestor habang patuloy ang kanyang pag-iyak. Akma niya akong yayakapin nang bigla kaming makarinig ng sunod-sunod na katok sa labas. May harang man ay naaninag ko ang sampung Bantay sa harap ng pintuan. Sila ang mga “tagapagtanggol” ng Arkipelago. Lima sa kanila ang may hawak na high-tech rifles, at lima rin ang may hawak na remote control para sa limang robot mutts. “Mga Bantay,” bulong ko kay Mang Nestor. Tahimik na tumango sa akin si Mang Nestor saka niya pinindot ang kanyang kanang sentido. Awtomatikong natuyo ang kanyang mga luha at nawala rin ang emosyon sa kanyang mukha. Pinulot niya ang nahulog na smart bag at tumayo. Sinenyasan niya akong magtago sa kanyang likuran at pindutin ang aking kanang sentido. Wala na akong maramdaman pagkatapos noon.

Pinagbabaril ng robot mutts ang pinto sa bahay ni Mang Nestor. Naiwan itong butas-butas at nagkalat din ang bubog ng salamin sa sahig. Nang tuluyang masira ang pinto, kaagad na pumasok sa bahay ang mga Bantay. Bukod sa kanilang mga sandata, mayroon din silang suot na artificial skin. Ito marahil ang armor at proteksyon nila. Lumapit ang isang Bantay kay Mang Nestor at tinutukan siya ng baril. “Nasaan na si Juan?” monotone na tanong nito. Hindi umimik si Mang Nestor. “‘Yan na ba ‘yon?” tanong naman ng isa pa sabay turo sa akin gamit ang kanyang remote control. “Hindi. Hindi pa ‘yan si Juan. Si Pedro ‘yan, prototype ng anak ko,” walang-emosyong sagot ni Mang Nestor. Hindi ako nagulat sa kanyang sinabi. Diretso lang ang tingin ko sa mga Bantay na parang inaasahan ko na ang sagot ni Mang Nestor. Sumenyas ang isang Bantay sa kanyang mga kasama na umalis na lang sila ngunit nanatiling nakatayo ang Bantay na nakatutok ang baril kay Mang Nestor. “Hoy, tanda. Hindi kami tanga. Alam naming dapat ngayon mo ibibigay sa mga Bantay si Juan, kasabay ng pagkapanalo ng mga Magna,” matalim na wika nito. Kung kanina’y wala pang bahid ng emosyon ang boses ng Bantay na ito, ngayon naman ay puno na ito ng galit at pagbababala. Ikinasa ng ilang Bantay ang kanilang mga baril samantalang nagsimula nang magpipindot ang ilang Bantay sa kanilang mga remote control. Nakipagtitigan lamang si Mang Nestor sa Bantay na nagtanong sa kanya. “Juan.” Napalingon ako kay Mang Nestor nang marinig ko ang boses niya sa aking isipan. Hindi niya ako tiningnan o pinansin man lang. Inikot niya lang ang tingin niya sa mga Bantay na nakapaligid sa amin. “Juan, alam kong marami ka pang tanong, pero mukhang wala na tayong oras. Laman ng smart bag na hawak ko ang kasagutan sa mga tanong na mayroon ka ngayon. Kailangan mo nang tumakas. Hindi ka p’wedeng makuha ng mga Bantay,” paliwanag ni Mang Nestor. Aangal pa sana ako nang bigla niyang ihagis sa akin ang smart bag na hawak niya. Sinabihan niya rin akong tumakbo at huwag nang lumingon pa. Kaagad na nagpaulan ng bala ang mga Bantay at ang robot mutts. Hindi tinatamaan ng mga ito si Mang Nestor dahil may protective layer na nabuo sa kanyang harapan galing sa kanyang smart glasses. Patakbo akong pumasok sa kusina para lumabas sa backdoor ng bahay. Itatapat ko pa lamang ang aking kamay sa pinto nang bigla akong makarinig ng pagsabog mula sa bandang sala kung nasaan ang mga Bantay at si Mang Nestor. Bago pa man ako makalingon sa direksyon ng sala ay naramdaman ko nang may kung anong tumama sa aking batok. Nanghina ako at nabitawan ko ang smart bag na aking hawak. Tuluyan na rin akong napapikit at nawalan ng malay.

~*~

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at tumambad sa aking harapan ang isang lalaking nakasuot ng pulang polo shirt. Mukhang nasa 60 anyos na ang lalaki, tama lang ang tangkad, at kulay tsokolate ang balat. Si Fernando Magna, Jr. Nginitian ako ng bagong presidente nang makita niyang gising na ako. “Hello, Juan. Handa ka na bang pumatay ng mga kritiko?”

______________

Si Kristhina Marie Catapia ay isang fourth year BA Communication Arts student mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Mahilig siyang magsulat ng mga istoryang ‘di-piksyon at balang araw ay pangarap niyang makapaglathala ng mga sanaysay tungkol sa mga kolektib na danas ng mga babae at ng mga Pilipino.

--

--

Act Forum Online
Act Forum Online

Written by Act Forum Online

Act Forum Online is the site of Alliance of Concerned Teachers, the largest nontraditional teachers’ organization in the Philippines.

No responses yet