Pisara
ni Ran Manansala
Pagkaraan ng ika-9 ng Mayo ng taong 2022, matinding katahimikan ang yumanig sa kapuluan. Tumigil sa pagkanta ang mga sirena, agila, at mamamana. Walang aktibista ang nasa kahabaan ng EDSA na papalitan na raw ng pangalan sa isang magarbong inagurasyon. Ang hanay ng iba’t ibang kulay na winagayway mula noong Enero hanggang Mayo ay mabilisang nawala ng parang bula. Ang aklas ng luntian at bughaw pati na rin ang dilawa at rosas ay unting-unting pumula. Pula, ang kulay ng dugo. Pula, ang bagong kulay ng pawis. Pula, ang panibagong kulay ng luha. Ang pula ang nanatiling angat. Ang tila bahagharing mga tarpoling nakapaskil sa mga iskinita’t kalsada ng mga barangay, munisipyo, gard haus ng eklusibong mga subdibisisyon, at kahit mga espasyong pribado ay sabay-sabay na pinatanggal, pinatungan, at pininturahan ng mga pulang sundalo. Ang mga libro ng kasaysayan ay ipinababalik sa mga palimbagan. May kapalit na salapi raw galing sa bagong administrasyon kada isang kilo ng mga libro. Walang pag-aalsa. O kaya’y walang pagkakataong magsikilos sapagkat may bagong tanod ang estado. Sa paskong parating, mas matinag ang kapulahan ng mga nagsipasok sa simbahan at kumbento. Naubos ang seminarista. Umonti ang magma-madre. Hawak-hawak nila ang kamay ng isa’t isa patungo sa kabundukan ng Sierra Madre. Nagsikilos muli ang armadong Katagalugan, Kabisayaan, at Kamindanawan. Pagkalipas ng bagong taon, nagsikumpulan na ang plebisito sa pinagandang CCP kung saan gaganapin ang Concon ng 2023.
Ang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pulo ay isa sa libu-libong mag-aaral na balisa’t galit sa estado ng bansa. Ilang buwan nang nakasara ang mga silid-aralan at nakakulong sa loob ng mga dormitoryo ang mga mag-aaral, lalong-lalo na ang mga pinuno ng napakaraming aligagang organisasyon. Ngunit, hindi apektado ang isang mag-aaral sa gitna ng gulo.
Si Ramil, laking Pangasinense at tubong Ilokano, ay isa sa mga kakaunting estudyanteng naiwan sa kampus pagkatapos umupo ng bagong pangulo sa puwesto. Hindi siya nakapagrehistro noong nagdaang halalan at wala rin naman siyang pakialam. Ang tanging tumatakbo sa kanyang isipan sa gitna ng katahimikan sa kampus, bulong sa labas, at daing sa kabundukan ay kung matutuloy pa ba ang seremonya ng kanyang pagtatapos. Nagkagulo na sa konseho ng Unibersidad ng Pulo. Isa-isang nawala’t umalis sa puwesto ang mga tagapangulo, dean, at mga opisyal. Unti-unting nabibiyak ang burukrasya ng mga taga-Pulo. Ano ang gagawin ni Ramil? Makukuha pa ba niya ang kanyang diploma?
Naglalakad ang binata sa kampus. Halos walang tao. Sa mga sulok ng mga gusali, maraming itim na tangke ang nakaparada. Bawat araw na dumaraan ay parami nang parami ang mga sundalo at paunti nang paunti ang mga mag-aaral. Bakit nga ba mananatili ang mga ito kung sinuspinde ang akreditasiyon ng unibersidad? Makakapagtapos pa ba siya na may dalang diploma kung hindi na suportado ng gobyerno ang institusyon?
May mga bulong-bulungan na dinadampot daw ang mga natirang estudyante sa kampus. Kung may katotohanan man sa tsismis na ‘to na kumakalat sa mga bagong bukas na mga chat room na diumano’y encrypted, ligtas naman si Ramil. Ito ay isang bagay na ipinangako ng kanyang ama’t ina sapagkat sila’y pinangakuan ng isang bago halal na senador. Si Ramil na unico hijo. Si Ramil na mamanahin ang posisyon ng kanyang tiyuhin na pinsan ng kanyang ina. Oo naman, ligtas ka diyan, anak. Kilala ka nila. Alam nila ang iyong mukha. Ikaw na ata ang pinakapoging pamangkin ng iyong tiyo.
Sa katunayan ay pauwi na si Ramil sa Ilocos. Ano pa nga ba ang kanyang gagawin sa kampus na linalangaw? Ang kanyang lolo. Iyon ang rason kung bakit hindi pa siya makauwi. Anak, isama mo nga ang iyong lolo. Si lolo. Si lolo Ambrosio na isang propesor sa Pulo. Hindi ito mahagilap ni Ramil sa opisina o kaya sa mga karinderya sa labas ng unibersidad na lagi nitong kinakainan kahit kayang-kaya naman nitong kumain doon sa 5-star pagkalabas sa likuran ng unibersidad. Hindi rin niya sinasagot ang kanyang telepono o e-mail. At iyan ang rason kung bakit siya’y papunta sa gusali kung saan nagaganap ang mga klase ng kanyang lolo.
Kapag may nakakasalubong na sundalo, binabati nila ang binata at ang iba ay sumasaludo pa. Walang tanong-tanong noong pumasok si Ramil sa gusali. Umakyat ito sa mga hagdanan. Diretso siya sa pangalawang palapag ng gusali. Sana’y mahagilap na niya ang kanyang lolo.
Siguro sinuwerte siya ngayong araw dahil kaarawan niya. Naroon si lolo Ambrosio sa pangalawang silid mula sa hagdanan. Mag-isa si lolo sa malinis na silid. May mga libro siyang inaayos sa kanyang mesa. Sa kanyang likod ay pisarang may mga pangalan sa sulat-kamay ng kanyang lolo. Hindi niya masyadong nabasa ang mga ito. Baka mga pangalan ng kanyang estudyante.
“Lo,” Ang laki ng ngiti ni Ramil. Nahanap na rin niya ang kanyang lolo. Grabe ang pag-aalala niya noong nakaraang dalawang linggo simula nang sinuspinde ang lisensya ng unibersidad. “Narito lang pala kayo. Saan po ba kayo pumunta noong mga nakaraang araw?”
“Ramil,” Isang ngiti at matamis na pagbigkas ang kanyang tugon. “Ang dami ko lang inasikaso. Mabilisan kong binigyan ng grado ang aking mga estudyante. Ang dami ko kasing naipong papel na hindi pa nage-gradan.”
“Kahit suspendido na ang lahat ng klase?”
Tumungo si lolo Ambrosio’t ipinagpatuloy ang pagsuksok ng mga papeles sa kanyang eco bag. May mga libro ring nakakalat sa mesa. Pare-parehas lang ang mga ito. Ang mga libro sinulat ng kanyang lolo kasama ng iba pang mga propesor sa Unibersidad ng Pulo.
“Oo naman. Ikaw ay graduating. Pati rin mga estudyante ko.” Tapos na niyang ayusin ang mga papeles. Sisimulan na sana niya ang pag-ayos ng mga libro nang hawakan ni Ramil ang mga ito.
“Tulungan na kita rito, ‘lo.” May espasyo pa sa kanyang bakpak kaya sinuksok ni Ramil ang mga ito sa loob. “Hanggang sa huli, isa ka pa ring napakagaling na propesor. Napakaswerte ng mga naging estudyante mo, ‘lo.”
“Apo,” Umiling si Ambrosio. “Parang kulang nga ang naituro ko sa kanila eh.” Kita ni Ramil ang pag-aatubili sa mata ng propesor. Ayaw niyang may ibang humahawak sa mga libro niya. Ngayon, sa kanyang pustura’t pananamit, mas mukha siyang propesor kaysa sa nakalakihan niyang lolo. Si lolo Ambrosio na naka-khaki at Lacoste na kulay…
Ano nga ba ang kulay ng Lacoste ni ‘lo? Pilit na inaalala ni Ramil ang mga panahong dinadala siya ng lolo niya sa Valley Golf. Malinaw ang pagkakaalala niya sa mukha ng paboritong caddy ni Ambrosio. Na lagi itong nakapula. Na matindi ang pagkakaiba ng balat nitong tsokolate at ang snapback nitong napakaputi.
Tinanggal ni Ramil ang pagkakahawak niya sa libro. “Hintayin na lang po kita sa parking lot. ‘Yong kung saan niyo ko lagi binababa.”
Ang bagong namuong katahimikan sa pagitan ng dalawa ay binulabog ng tunog ng pagkatok sa pinto. Ang katok ay may indayog, hindi ng isang musikero, kundi ng isang sundalo. Palakas nang palakas ito kaya pumunta sa labasan si Ramil at binuksan ang pinto. Isa nga itong konstabularyo ng pulo. Kulay abo ang uniporme, nakatakip ang kalbong ulo ng itim na tela. Ang kanyang mata lamang ang kita. Sa itim na mata nito naramdaman ng binata ang takot na ngayon lang umusbong galing sa kanyang tiyan. Dayuhan ito sa katawan ng isang Ambrosio Serrano III. Ang pangalang ito ay kasing epektibo ng isang kalasag sa digmaan.
Agad-agarang binuksan ni Ramil and pinto. Dalawa ang sundalong bumungad sa kanya. Maayos ang pagkakasuot nila ng unipormeng khaki. Parehas silang may nakasakbit na M4A1 sa kanilang balikat. Si Ramil ay pamilyar sa mga pistol. Mayroon siyang sariling koleksyon. Ngunit, ngayon lang into nakakita ng M4A1 sa totoong buhay.
“Sino ka at ano ang ginagawa mo rito?” Dumagundong ang malalim na boses ng sundalo.
“Ako po si Ramil Serrano.” Sagot niya. Baka baguhan lang ang mga ito kaya hindi siya nakilala. “Actually, my lolo and I were just leaving. Diba ‘lo?” Noong binaling niya ang kanyang tingin sa likod, tumaas ang kanyang balahibo nang ang berdeng eco bag lamang ang naroroon.
Asan si lolo?!
Binaling niya ang kanyang tingin sa labasan ng silid, ang pintong ilang hakbang ang layo sa kinatatayuan ng mga sundalo. Nakasara ang pinto. Tumingin siya sa likuran muli. Nakasara ang mga bintana. Hindi rin maaring nakalabas ang propesor sa bintana. Nasa pangalawang palapag sila kaya kung ito’y tumalon man, dapat narinig ni Ramil ang pagkahulog nito.
Tumawa si Ramil upang pagtakpan ang bagong nerbyos na unti-unting lumamon sa kanyang laman. Anong kababalaghan ito? Nagtinginan ang dalawang sundalo.
“Actually, nauna na pala lolo ko. Pinapakuha lang niya ang mga libro niya.” Dinampot niya ang eco bag na may kabigatan din pala at tumungo sa pintong palabas.
Iikutin na dapat ni Ramil ang busol nang nagtanong ang pangalawang sundalo. “Kamag-anak mo ba ang senador? Si Serrano.”
“Opo. Tiyuhin ko.”
Hinipo ng sundalo ang katawan ng M4A1. Pumunta yung isa sa harap ng pisara. Sa puntong ito, nabasa na ng maigi ni Ramil ang mga nakasulat sa blackboard.
BIKTIMA NG ‘83
Alpabetikal ang listahan ng mga pangalan. Tumayo muli ang balahibo ni Ramil nang makita niya ang pangatlong pangalan. Ambrosio Serrano.
Mga limang segundo rin siyang nakatitig sa pangalan ng kanyang lolo sa pisara bago ito binura noong isang sundalo. Umubo ang sundalong may baril. “Alam mo, ang pinakanakakairitang mga tao sa mundo ay ang mga sinungaling.”
Humarap sa kanilang dalawa ang sundalong bumura ng mga pangalan. “Paano mo magiging tiyuhin si Serrano kung siya ay isang babae?”
Kinalabit ng sundalo ang baril at itinutok ito kay Ramil. “’San mo dadalhin ang mga librong ‘yan?”
Tinulak ni Ramil ang pinto at tumakbo papalabas. May isang pang pares ng sundalong papunta sa kinatatayuan niya. Dumungaw ang sundalong may baril sa silid. “Kunin niyo ang dala-dala niyang eco bag!” Hiniwa ng sigaw ang kahabaan ng koridor. Napukaw ang atensyon ng dalawang sundalo sa dulo. Nakita nila si Ramil. Inilabas nila ang kanilang pistol.
Tinalon ni Ramil ang hagdanang pababa. Nang lumapat ang kanyang paa sa semento, napalitan ang nerbyos na nangangalmot sa kanyang looban ng sakit na nang-iwan ng panginginig sa binti. May mga papel na nahulog. Daliang sinuksok niya ang malalapit. Putok. Ang pagtatagpo ng bala’t semento. Mainit-init ang balang tumama ilang pulgada lamang ang layo sa paa ni Ramil. Papatayin na siya.
Habang tumatakbo sa kahabaan ng unang palapag, samu’t-saring mga bagay ang gumugulo sa isipan niya. Paanong bigla na lang naglaho ang kanyang lolo? Hindi ba nanalo ang kanyang tiyuhin sa senado? Paanong babae ang Senator Serrano na kilala ng mga sundalo? Ano nga ba ang nangyayari? Bakit nasa pisara ang pangalan ni lolo? Ang pangalan ni lolo. Si lolo.
Hindi ko maalala ang pangalan ni lolo!
Mas mabilis ang mga hakbang ni Ramil patungong satellite library ng gusali na nasa gitna ng unang palapag. Nagbabakasakali ito na mas ligtas doon. May kalakihan naman ang aklatan kaysa sa mga silid. Bukas ang pinto. Pumasok siya.
Ang bumungad sa kanya ay mga istanteng nakakalbo. Maraming mga libro ang tinanggal. Ang iba ay nasa sahig, nakabuklat, at may punit. Maamoy ang baho ng sunog. Mula sa kinalalagyan niya, kita ang usok na nagmumula sa kabilang dulo ng aklatan. Kasabay ng amoy ng sunog ay ang tunog ng tawa. Malalim, marami. Yumuko si Ramil at gumapang na rin patungo sa mesa ng dating tagapamuno ng aklatan. Hinihingal na ito. Hinayaan niya ang kanyang sarili na huminga nang malalim. Nakalanghap siya ng usok.
Hindi naman siguro siya maririnig ng mga taong naroroon. Inilabas niya ang mga laman ng bulsa niya. Pitaka, susi, selpon. Una niyang hinanap ang kontak ng kanyang ama ngunit hindi niya mahanap ang pangalan nito o ang number nito sa kontaks niya. Parang may nagbura. Tinawagan niya ang kanyang ina. Baka makatulong ito. Ilang sandali rin ang dumaan bago niya sinagot ang tawag. Tinapat ni Ramil sa kanyang tainga ang telepono at may luhang tumulo sa kanyang pisngi. Nagbuntong hininga ito.
“Mom, it’s Ramil.”
“Ramil?” Ang dating matamis na tinig ay puno ng pagkalito. “Prank call ba ‘to? Hijo, nagsasayang kayo ng load wala kayong makukuha na pera sa akin — ”
“Ma, si Ramil ‘to.” Nanginginig ang boses niya. Tuloy-tuloy na ang pagluluha sa mga mata. “Ramil ‘to. Panganay mo. Please, help me. Please.”
Pause. Saglit na tumahimik ang linya.
“Hindi ko alam kung anong trip mong adik ka. Loko ka.” Saad ng kanyang ina. Ito nga ang boses ng kanyang ina. Pero ngayon lang niya narinig itong gumamit ng ganitong klaseng mga salita. “Isa lang ang anak ko. Babae siya. Wala akong kilalang Ramil. Kaya h’wag ka nang tumawag. Kung tatawag ka uli, papa-imbestigahan ko itong number mo.”
Namatay ang linya.
Pilit na pinipigilan ni Ramil ang pag-iyak pero walang patawad ang mga luha at walang pipigil sa pagpatak nila. Ano ang nangyari? May ibang anak ang nanay niya? Anong nangyari sa kanya at sa dalawa niyang nakababatang kapatid na lalaki? Ano nalang ang nangyari kay Daniel at Joaquin? Dapat magkakasama sila ngayon sa Baguio.
Tinanggal ni Ramil ang pagkakasuot niya ng kanyang bakpak at inilpag ang eco bag sa sahig. Ngawit na ang balikat niya at malakas pa rin ang tibok ng kanyang dibdib. Binuksan niya ang kanyang pitaka. May limang libo pa siya. Baka pwede niyang bayaran na lang ang mga sundalo?
Sa paghahanap pa ng pera sa iba’t ibang hati ng kanyang pitaka, natukalasan niya na punong-puno ng gasgas ang kanyang school ID. Pangalan na lang ng Unibersidad ng Pulo ang natira. Wala ang kanyang pangalan at tirahan. Tila parang kinaskas ito para matanggal ang litrato niya. Isa na lamang siyang leeg at kumpol ng itim na buhok.
Binuksan niya ang zipper at linuwa ng bakpak ang mga libro. Pare-parehas lang ang mga ito. Makakapal na librong may dalawang salita. Malaki at itim. BATAS MILITAR.
Pagkabasa ni Ramil ng pabalat, unti-unting naglaho ang tinta at marka ng mga salita.
Sa kabilang dulo ng aklatan, narinig ng isang sundalo ang kaluskos at pagbagsak ng mga libro sa likod ng mesa ng dating punong-abala. Maingat ang paglapit nito. Hinipo niya ang kanyang baril habang naglalakad.
Pitakang may limang libo, mga librong walang sulat, at eco bag lamang ang naabutan niya.
*Ran is a senior at the University of the Philippines, Los Baños. She has been writing stories ever since she was eight. When she isn’t daydreaming of plot points, she watches the latest anime, jams to K-pop, or has coffee with friends.