Panayam Series

Act Forum Online
5 min readJul 20, 2021

--

Para sa ikalawang salang ng Panayam Series ng ACT Forum Online, aming nakapanayam si Ma’am France Castro ng ACT Teachers Party-List.

ACT Forum Online: Magandang araw po, Ma’am France! Ilang tanong lamang po tungkol sa inyong pagiging nanay, guro at makabayang kongresista. Gusto ninyo po ba talagang maging guro? Bakit po ninyo naisipang maging guro ng Matematika? Mayroon po bang specific na insidente noong bata pa kayo na nakatulong upang pagpasyahan ninyong maging guro?

Ma’am France Castro: Una sa lahat, maraming salamat dahil naisipan ninyo akong makapanayam dito sa ACT Forum Online. Alam ninyo, bata pa lang ako gusto ko na talagang maging guro. Kapag may time iniipon ko ang mga bata at pagkatapos ay natititser- titseran kami. Pero noong lumalaki na ko, gusto ko ring maging accountant dahil nasa bangko ako tuwing pinadedeposit ako ng tatay ko sa bangko. Naisipan ko ring magtrabaho sa bangko pero nung magtatapos na ko sa High School, may kaibigan akong librarian sa school namin. Siya ang kumuha ng application form sa Philippine Normal University at pinag-test niya ako. Nakapasa. Sabi ko noon, magiging teacher ako ng Math sa public school.

Larawan mula sa ACT Teachers Partylist FB page

ACT Forum Online: Paano ninyo po tinawid ang pagiging nanay at pampublikong guro? Ano po sa tingin ninyo ang mga naging pagsubok na hinarap ninyo sa pagiging guro at nanay? Paano ninyo po ito naigpawan?

Ma’am France Castro: Wala pa akong anak nasa Alliance of Concerned Teachers na ako, noong 1989. Nagkaanak ako noong 1993. Lumaki ang mga anak ko sa yaya at sa mga lolo at lola. Malaking tulong ng parents ko sa pagpapalaki sa mga anak ko. Sinikap ko rin na maging guro sa mga anak ko. Hands on ako sa pag-aaral nila. Tutok ako. In case na ‘di ako makakadalo sa school activities, ang nanay ko ang substitute.

Larawan mula kay Ram Hernandez

ACT Forum Online: Nabanggit ninyo po sa nakaraang talumpati na ang tungkulin ng guro ay hindi lamang sa loob ng silid aralan at paaralan, bakit ninyo po ito nasabi?

Ma’am France Castro: Tama, dahil bilang guro bahagi ka rin ng mamamayan at may tungkulin at responsibilidad sa bayan mo. Kaya bilang guro, lumalahok ako sa panlipunang pagbabago sa pakikiisa sa mga isyu at kahingian ng mga tao lalo na mga marhinalisadong sektor gaya ng magsasaka, manggagawa, katutubo, maralitang tagalunsod at iba. After all, karamihan sa mga magulang ng mga estudyante ko ay bahagi ng mga sektor na ito.

Larawan mula sa ACT Facebook page

ACT Forum Online: Paano ninyo po napagpasyahan na tahakin ang daan ng pagiging aktibistang guro? Sa tagal ninyo na po bilang aktibistang guro, tiyak po kami na mayroong mga maituturing na “highlights” — mga tagumpay at makabuluhang kampanya — at kung di man matatawag na “lowlights,” ay mga hamon na sumubok sa inyong pagiging aktibistang guro. Ano po ang mga maikukwento niyo sa amin tungkol dito?

Ma’am France Castro: Pangarap ko talaga magturo sa public school kasi tingin ko mas kailangan ng mga bata doon at mahuhusay ang mga guro ng mga bata sa public school. Kaya nag-apply agad ako pagkagradweyt sa School Division Office Manila, pero dinanas ko ang apat na taong contractual/ substitute teacher, taon-taon ay delayed ng 3–4 buwan ang sweldo at walang benepisyo. Isang beses pa Disyembre 24, nasa NCR DepEd pa kami naghihintay ng sweldo. At doon inorganisa ko at ilang teachers ang mga substitute teacher at bumuo kami ng Concerned Substitute Teachers of Manila para maisulong ang permanent position sa mga Substitute teacher. Pero by that time noong 1989 na caught in the act kami dahil may officer/ BOD ng Manila Public School Teachers Association o MPSTA na nakakita sa amin sa city hall at doon nilapitan kami ng ACT at MPSTA. Panahon yun ni Cory Aquino na may patakarang freeze hiring bunga ng imposition ng IMF -WB.

Noong 1991, naghire na ng regular permanent pero nag-apply na ako sa Quezon City at doon ko na piniling magturo.

Larawan mula sa ACT Facebook page

ACT Forum Online: Ngayon pong makabayang kongresista na kayo, ano sa tingin ninyo ang mga kinaharap ninyong hamon at maging sa tingin ninyo ay nakamit na tagumpay ng mga guro?

Ma’am France Castro: Narealize ko kung gaano kahirap magpasa ng batas para sa nararapat na sweldo para sa mga guro. Lalo pa’ t ang administrasyon, hindi ito ang prayoridad. Pero tuloy lang dahil kahit paunti-unti at kakarampot. Sa tuloy-tuloy na panawagan at pagkilos dito, pati na para sa dagdag na benepisyo at karapatan ay may nakakamit ding mumunting mga tagumpay na malaki na para sa mga guro. Mula 1991 na isinulong ang sapat na sweldo para sa mga guro ay tuloy-tuloy naman ang pagtaas ng sweldo sa bawat administrasyon. Napakahalaga rin ng may kinatawan sa kongreso ang mga guro na naging tinig nila para sa kanilang kahingian at mga karapatan.

ACT Forum Online: Maliban po sa pagiging abala sa mga nabanggit na tungkulin ninyo, ano pa po ang pinagkakaabalahan ninyo?

Ma’am France Castro: Naiimbita ako sa mga consultation meeting ng mga unyon at iba pang mga webinar at meeting ng iba pang sector.

On the lighter side, minsan nagba-bake at nagluluto based sa youtube para sa family ko. Sumusubok na mag-alaga ng mga halaman, libangan ko ‘yon.

Larawan mula sa QCPSTA

ACT Forum Online: Kung makakausap po ninyo ang mga batang guro sa ngayon, ano po ang maipapayo ninyo sa kanila?

Ma’am France Castro: Isang fulfilling profession ang pagtuturo. Enjoy ninyo lang ito habang nakikibaka laban sa bulok na sistema sa edukasyon at lipunan. Lumaban para sa sapat na sweldo at maalwang kalagayan sa trabaho. Lumaban sa pagbabago sa ating lipunan upang maging malaya, masagana, makatarungan at maging mapayapa ang pamayanan.

ACT Forum Online: Maraming salamat po sa pagbibigay ng oras sa aming panayam.

Larawan mula sa QCPSTA
Larawan mula sa ACT Teachers Partylist Facebook page

--

--

Act Forum Online
Act Forum Online

Written by Act Forum Online

Act Forum Online is the site of Alliance of Concerned Teachers, the largest nontraditional teachers’ organization in the Philippines.

No responses yet