Manghuhula
ni Rommel Niala Dizo
Nahuhulaan niya ang hinaharap. Wari ba’y iba ang pinagagamitan ng kaniyang ikatlong mata. Hindi iyon para makakita ng multo kundi matunghayan ang susunod na mga mangyayari. Salungat sa ibang manghuhula na kung minsan ay sablay o di kaya’y huwad, di na niya kailangan pa ng bolang kristal. O anumang kagamitan at pagtawag sa sinumang responsableng entidad sa binabalasang baraha. Isang kisap ng mga mata niya lamang, mababatid na niya ang marapat mabatid.
Una niyang nakita sa hinaharap iyong nangyari kay Mang Kiyan. Nakita niyang mapapaslang ito at may dawit sa ipinagbabawal na droga. Kinabukasan, duguang humandusay ang mama sa bangketa nang barilin ng mga pulis habang matimtimang naglalako ng taho. Umaga iyon. At silay sa murang mata ng mga batang sabik sa taho ang kinasapitan niya.
Ikalawa naman sa matagumpay niyang hula iyong tatlong araw na pagkawala ni Arnais, binatang tambay sa lugar nila. Makikita aniya ito na wala nang buhay at palutang-lutang na lamang sa isang creek sa kabilang barangay. Sa mga pagkakataong yaon, nagkatotoong muli ang kaniyang turan. Natagpuang hubo’t hubad, at may limampung tadtad ng kutsilyo’t putok ng baril sa ulo nang maiahon ang lugami niyang bangkay.
Kahit si Aling Pacing na tindera sa talipapa malapit sa kinalalagyan ng kaniyang bahay, ay hindi rin nakaligtas sa kaniyang nakahihindik na mga hula. Ayon sa kaniyang prediksyon, totokhangin daw bukas iyong bahay nila. Guilty aniya ang ale kaya’t manlalaban ito sa mga pulis na kung mangusap ay mahinahon lamang. Tutudlaan at papuputukan ng limang beses sa iba’t ibang bahagi ng katawan, isa sa ulo. At dead on the spot na bubulagta sa kanilang sahig. Paris sa kaniyang nagiging mga dibinasyon, paratihan na lamang nangyayari ang kaniyang mga sinasabi. Si Aling Pacing na walang laban ay nagtamo ng limang gunshot sa katawan, na kaniya agad ikinasawi.
Gayon talaga ang buhay, wika niya. Payak na may namamatay — iyong iba sa sakit. May ibang biglaan kung makadaupang-palad ang aksidente. Habang may iba namang sila mismo ang gumagawa ng ikapapahamak nila.
Maulang tanghali iyon nang may kumatok sa pintuan nila na siya namang pinagbuksan ng kasambahay nito.
“Nariyan po ba si General Joaquin Rosa?” magalang na tanong ng isang lalaking may pamilyar na boses.
“Alkalde Gong, ikaw pala ‘yan. Ano’t naparito ka?”
Ilang oras din ang huntahang iyon ng dalawang magkaibigan. Tungkol lamang sa muling kandidatura niya. Mukhang magpapahula. Malapit na kasing maghalalan. Ilang linggo na lang ang nalalabi.
Sa pagtatapos ng kanilang usapan, muli na namang sinibasib si Heneral Rosa ng kaniyang kakat’wang kakayahan.
Bukas, ayon sa hula niya, tatambangan malapit sa Mc Arthur Highway lulan ng kotse ang Bise Mayor ng kanilang munisipalidad.
Tubong Guiguinto, Bulacan si Rommel Dizo na isang manunulat-mag-aaral sa Bulacan State University. Siya ay kasalukuyang nasa ikalawang taon ng pagkuha ng kursong Malikhaing Pagsulat. Nahiratian niya ang pagtangi sa anumang bagay na may dawit sa lunti.