Bago ang bahaghari ng mga maskara
Dennis Andrew S. Aguinaldo
Unang araw ng pasukan, at agad kong nakita si Joven.
Gaya ng aming mga kalaro, bago ang kaniyang bag at sapatos.Ang kakaiba: namumula ang kaniyang mga labi.
“Lipstik ba ‘yan ng nanay mo?”
“Kendi ito, tingnan mo.”
Biglang lumawit ang dila at ang maliit nitong kristal.
Dahil dito’y namumula ang dila at mga ipin ni Joven.
Sabay-sabay na bumelat sa akin ang mga kendi ng kaniyang mga kasama.
Kinabukasan, kahel na lolipop naman ang baon nila.
“Gusto mo ba?”
“Siyempre naman!” Napasigaw ako sa galak.
“E di bumili ka ng sa ‘yo!” bitaw ni Joven.
Bumulanghit ng tawa ang mga kasamang naranha.
Uwian na, pero hindi agad umandar ang traysikel ni Amang.
Tinanong ko siya kung bakit hindi ako pinagbabaon ng kendi.
“Masama sa ‘yan sa ipin, mahal ang dentista.
Tinapay tayo o prutas.”
Dalawang dilaw na saging ang aking baon kinabukasan.
Sa palaruan, hindi ko mawari ang kulay ng kendi ni Joven.
Nakita ko ito sa kamay niya bago isubo.
Nginuya-nguya ito bago pinalobo,
ngunit hindi pa rin klaro ang kulay.
“Aba, tumititig na naman siya o!
Hindi ba uso ang kendi sa inyo?”
“Berde ba ‘yan o asul?”
“Iyon lang ba?” Tanong ni Joven.
“Sige, gawin mo na!” Wika ng mga kasama.
Tumatak ang ginawa sa akin ni Joven.
Sa bahay, naglabas ng pulboron si Amang.
Nakabalot ito sa lilang papel.
“Magbaon ka nito bukas. Paminsan-minsan lang ito, ha?”
“Kahit hindi na ho, Amang.”
Ikinuwento ko kay Amang na dinuraan ako ni Joven.
Pinakita ko ang bahagi ng uniporme kung saan tumiim ang mantsa.
May bahagi ng bubblegum na hindi ko matanggal.
“Kakausapin ko ang inyong guro.”
Nangako kami kay Ma’am na hindi na ito mauulit.
Babawasan na rin nina Joven ang sobrang kendi.
Lalong mahalaga, hindi na sila mang-aaway.
Binayaran ang uniporme.
Ilang buwan din ito bago isinara ang eskuwela.
Hindi agad, pero naging kaibigan ko si Joven.
Palangiti kami sa ibang tao,
Kay puputing mga ipin sa ilalim ng maskara.
Ang may akda:
Si Dennis Andrew S. Aguinaldo na nagtuturo sa Department of Humanities, College of Arts and Sciences, University of the Philippines Los Baños.