Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador, Sanaysay 8:

Act Forum Online
8 min readSep 2, 2023

--

Kapangyarihan/Kaalaman, Diktadura/Akademya

Mike Pante

Ang sanaysay na ito ay bahagi ng seryeng “Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador” na ukol sa sistema ng edukasyon sa bansa noong panahon ng diktadura mula 1972 hanggang 1986. Bawat sanaysay sa serye ay tatalakay ng isang aspekto ng pagiging guro noong rehimen ni Ferdinand E. Marcos. Pagsusuri ito sa buhay-edukador sa panahon ng ligalig at pagtindig.

Mahalaga para kay Pangulong Ferdinand Marcos ang isang komprehensibong sistema ng mga pamantasan at institusyon ng pananaliksik para sa pagtuklas ng bagong kaalaman at maisiwalat ito sa mas malawak na lipunan. Tinalakay sa nakaraang sanaysay ang halaga ng pananaliksik para sa mga nasa akademya at maging para sa pangulo na nais makilala bilang isang mala-iskolar na pinuno. Naglaan ang rehimeng Marcos, lalo na matapos ang deklarasyon ng Batas Militar noong 1972, ng pera para sa mga pamantasan at institusyon ng pananaliksik subalit hindi para sa kapakanan ng nakararami kundi para sa pagpapanatili ng sarili niya sa poder.

Bagamat mapaniil ang Batas Militar, hindi nito ganap na mabusalan ang akademya sapagkat mahalagang bahagi ito sa lehitimasyon ng pamumuno ni Marcos lampas pa sa itinatakda ng Saligang Batas ng 1935. Kinailangan niya ring bigyan ng puwang sa pamamahala, impluwensiya sa pagbubuo ng polisiya, at pinansiyal na suporta ang mga iskolar na makadaragdag sa positibong imahen ng Bagong Lipunan. Nagmula sa grupong ito ang mga tinaguriang teknokrata (technocrats) na bumalangkas ng mahahalagang patakaran ng rehimen at nagbigay-prestihiyo kay Marcos sa pakikipag-ugnayan nila sa mga institusyong multilateral gaya ng International Monetary Fund at World Bank (Balikan ang Sanaysay 3).

Ang mga teknokrata rin ang siyang haligi ng kaliwa’t kanang institusyong pananaliksik na binuo noong Batas Militar upang magsilbing “utak” o think tank ng rehimen. Malinaw kahit sa mga kroni ni Marcos ang halaga ng mga ganitong think tank. Isa rito si Fred J. Elizalde, prominenteng kroni sa hanay ng midya. Nagpanukala si Elizalde sa isang papel na nalimbag sa akademikong dyornal na Bulletin of Concerned Asian Scholars ng pagbubuo ng isang New Society Research Bureau para maging institusyong may tungkuling ihapag at idetalye ang ideyolohiya ng Bagong Lipunan nang sa gayon ay mabantayan sa diumanong maling paniniwala ang mga Pilipino, “to fully immunize them against Chinese Communist Imperialism thus ensuring that the Communists are deprived of a mass base among the peasantry.”

Hindi man natuloy ang panukala ni Elizalde, ang diwa ng kanyang mungkahi ay natupad sa ibang paraan sa pangunguna ng mga teknokrata. Sa mga sumunod na taon matapos ang deklarasyon ng Batas Militar, isa-isang nagsulputan ang mga institusyong nakatutok sa pananaliksik at akademikong pagsasanay. Noong 1973 itinayo ang Development Academy of the Philippines na (1973) bilang institusyong maghahanda sa mga nais pumasok sa burukrasyang sibil. Sa parehong taon, binuo ni Marcos, sa bisa ng Presidential Decree (PD) 342, ang Philippine Center for Advanced Studies (PCAS), bilang isang nagsasariling bahagi ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Nakatutok ang PCAS sa pananaliksik ukol sa kultural at lipunang Pilipino na may pandaigdigang sensibilidad. Napasailalim rito ang Asian Center at nagluwal ng iba pang institusyon gaya ng Institute of Islamic Studies, Institute of Philippine Studies, at Institute of Strategic Studies. Gayumpaman, binuwag noong 1979 ang PCAS at pinalitan ng President’s Center for Special Studies sang-ayon sa Executive Order 543.

Noong 1976 itinayo ang National Academy of Science and Technology bilang lupon ng mga akademiko upang kilalanin at suportahan ang ambag ng mga Pilipinong siyentista sa iba’t ibang disiplina. Sa kasunod na taon, itinatag ang Philippine Institute for Development Studies para magsagawa ng mga pananaliksik ukol sa pagpaplanong pang-ekonomiko na magagamit ng mga burukrata at opisyal ng pamahalaan.

Tila may pagpapahalaga ang rehimen sa mga akademiko batay sa serye ng mga ipinatayong institusyong natalakay sa itaas, subalit sa mas malalim na pagsusuri, lalabas ang puno’t dulo ng “suportang” ito. Isang halimbawa ang pagbabago ng adyenda ng pananaliksik ng mga institusyon upang “makasabay” sa Batas Militar. Noong 1973, naging lunsaran ang National Research Council of the Philippines para sa mga proyektong nakatuon sa mga layunin ng Bagong Lipunan, tulad ng “Philippine History in the New Society” ni Nicholas Zafra at “Studies in Planning and Implementation of Development Program in the Philippines: The Infrastructure Program” ni G. Iglesias. Sa mga nailistang institusyon, binigyang-diin din ang mga temang mahalaga para sa rehimen, tulad ng capital-intensive na uri ng agrikultura sa bihis na “Green Revolution” at ang pagkontrol sa populasyon.

May malaking paralelismo ang ugnyan ng rehimeng Marcos sa mga institusyong pananaliksik at ang pamamalakad nito sa mga pamantasan. Sa unang tingin din, tila positibo ang naging epekto ng Batas Militar sa mga unibersidad kung pagbabatayan ang dami ng mga bagong pamantasang naipatayo. Bago ang 1972, meron lamang walong pampublikong pamantasan: 1) Bicol University sa Legazpi; 2) Central Luzon State University sa Muñoz, Nueva Ecija; 3) Central Mindanao University sa Musuan, Bukidnon; 4) Mindanao State University sa Marawi City; 5) Pamantasan ng Lungsod ng Maynila; 6) University of Eastern Philippines sa Catarman, Samar; 7) University of Northern Philippines sa Vigan; at 8) University of the Philippines na merong kampus iba’t ibang bahagi ng bansa. Dalawa sa mga pamantasang ito ay itinatag sa termino ni Marcos: ang Bicol University noong 1969 at ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila noong 1967. Matapos ang deklarasyon ng Batas Militar, sunud-sunod ang pagbubuo ng mga bagong pamantasan o di kaya ay paggagawad ng university charter sa mga paaralang dati nang umiiral. Ayon sa librong Moving Forward in Education (p. 137) ni Jaime Laya, pinuno ng Ministry of Education, Culture and Sports (MECS) ni Marcos, umabot sa 17 ang pampublikong pamantasan sa bandang dulo ng Batas Militar. Dagdag pa rito ang 60 na pampublikong kolehiyo at 57 na MECS Higher Learning Institution. Ayon sa isa pang pag-aaral, tumaas ang bahagdan ng pampublikong institusyon sa antas-tersyarya kumpara sa kabuuang bilang noong Batas Militar: Noong 1970, mas mababa pa sa 10 porsyento ng institusyong tersyarya ang nasa ilalim ng pangangasiwa ng estado; tumalon ito sa halos 20 porsyento noong 1982. Dahil sa lumalaking bilang, inilabas ni Marcos ang Letter of Instruction 1461 noong 1985 upang siguruhing malinaw ang tunguhin ng bawat isa sa mga nabuong pampublikong institusyon ng edukasyon.

Sa kasawiang palad, ang mga umusbong na pamantasan sa panahon ng Batas Militar ay nagsilbi hindi sa kapakanan ng mga mag-aaral o ng sambayanan kundi para sa interes ni Marcos. Isa sa pinakagarapal na halimbawa nito ang pagpapalit sa pangalan ng Ilocos Norte Institute of Technology. Sa bisa ng PD 614 noong 1974, tinawag na itong Mariano Marcos Memorial College of Science and Technology bilang pag-alala sa ama ng pangulo na nagmula sa Ilocos Norte at isang kilalang kulaboretor noong panahon ng Hapon. Noong 1978, iniutos ng PD 1279 ang pagsasanib ng kolehiyo at tatlo pang institusyon sa nasabing probinsya para mabuo ang Mariano Marcos State University. Kapuna-puna rin na ang Ilocos ang rehiyon na may pinakamaraming pampublikong pamantasan sa pagtatapos ng Batas Militar; meron itong apat kumpara sa Metro Manila na meron lamang tatlo o sa Gitnang Visayas na wala ni isa.

At dahil may mga pamantasan gaya ng UP na nagkaroon ng malaking papel sa pagtutol sa mga kontra-mamamayang pamamalakad ni Marcos, nakatawag-pansin din ang mga ito. Binalak pa nga ng rehimen na busalan ang UP sa pamamagitan ng lehislatura. Noong dinidinig ang panukalang batas na kalaunan ay magiging Education Act of 1982 (Balikan ang Sanaysay 5), nagbanta ang mga mambabatas na ilalagay ang UP sa ilalim ng MECS at ibasura ang awtonomiya nito. Malinaw na isa itong panggigipit sa pamantasan na naging kilala noon sa militanteng aktibismo ng marami sa kanyang mga estudyante. Sa kabutihan palad ay hindi natuloy ang nasabing banta.

Ang banta sa kalayaang akademiko ng UP ay isang bahagi lang ng sistematikong pagmamatyag ng estado sa mga institusyong tersyarya. At sa panahon ng Batas Militar, hindi kataka-takang tumindi ang militarisasyon sa mga institusyong ito. Noong ika-8 ng Agosto 1980, inilabas ni Marcos ang PD 1707 o ang National Service Law. Inamyendahan nito ang National Defense Act na siyang batayan ng sapilitang pagpapasailalim sa mga estudyante sa kolehiyo sa Reserve Officers Training Corps. Tinutulan ang PD 1707 ng parehong sektor ng kabataan at kaguruan, gaya ng mga organisasyong League of Filipino Students at Alliance of Concerned Teachers, pati na rin sa hanay ng mga may-ari ng mga paaralan, gaya ng Catholic Educators Association of the Philippines.

Kung mapapasunod nang walang tanung-tanong, kritikal rin ang mga institusyong tersyarya sa pagsisigurong mananatili si Marcos sa poder gamit ang mga aparato ng estado, lalo na sektor ng seguridad. Noong ika-11 ng Mayo 1973, inilabas ni Marcos ang PD 190 na lumilikha sa National Defense College of the Philippines. Naging mahalaga ito sa pagbuo ng mga burukratang babalangkas sa patakarang panseguridad ng pamahalaan, na noong panahong iyon ay nakatutok sa kontra-insurhensya. At para maging tuluy-tuloy ang paghulma sa mga susunod na henerasyon ng kapulisan sang-ayon sa ideyolohiya ng Bagong Lipunan, itinatag noong 1978 sa bisa ng PD 1184 ang Philippine National Police Academy (PNPA), isang paaralang nagluwal ng mga ahente ng estado para sa proteksyon ng mga sibilyan subalit sa aktuwal ay naging instrumento para sikilin ang karapatan ng mga mag-aaral at guro sa iba pang paaralan. Mismong si Maj. Gen. Fidel V. Ramos ng Integrated National Police ang nanguna sa paggawa ng feasibility study upang pag-aralan ang pagtatatag sa isang akademya para sa pulisya. Noong 1981, binigyan ng PD 1780 ang PNPA ng “academic charter” at pagkilala bilang “premier educational and training institution of the country’s national police force.” At para lalo pang makuha ng loob ng mga nagtatrabaho sa mga ahensyang panseguridad, noong ika-11 ng Nobyembre 1974, inilabas ni Marcos ang PD 577 na nagbibigay ng exemption sa pagbabayad ng matrikula sa mga anak ng mga opisyal ng militar na namatay o naging incapacitated sa paggampan ng kanilang trabaho.

Dagdag pa ni Caoili (p. 386) sa halimbawang ito,

A scientist from a university in Mindanao revealed that it took NRCP ten months to process his research proposal. . . . Two scientists from a state college in the Visayas mentioned cases where proposed researches which were previously rejected by certain government funding agencies were later on undertaken by other scientists, sometimes from the same agencies which earlier rejected the original proposals. Another complaint that involved the NRCP was the long waiting time for the release of funds.

Maraming pasakit ang dinanas ng mga akademiko at siyentista sa panahon ng Batas Militar, subalit hindi sila nanahimik sa kabila ng represyon. Tatalakayin ng susunod na sanaysay sa seryeng ito ang samu’t saring porma ng pagkilos na ginawa nila upang tutulan ang mga kontra-mamamayang palakad ni Marcos sa mga pamantasan at institusyon ng pananaliksik.

Mike Pante is an Associate professor from the Department of History, Ateneo De Manila University. He is a member, Tanggol Kasaysayan.

--

--

Act Forum Online

Act Forum Online is the site of Alliance of Concerned Teachers, the largest nontraditional teachers’ organization in the Philippines.