Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador, Sanaysay 12:
Progresibo at Militanteng Kilusang Guro
ni Dr. Mike Pante
Ang sanaysay na ito ay bahagi ng seryeng “Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador” na ukol sa sistema ng edukasyon sa bansa noong panahon ng diktadura mula 1972 hanggang 1986. Bawat sanaysay sa serye ay tatalakay ng isang aspekto ng pagiging guro noong rehimen ni Ferdinand E. Marcos. Pagsusuri ito sa buhay-edukador sa panahon ng ligalig at pagtindig.
Para sa huling sanaysay sa seryeng ito, bibigyang-pansin ang pagkilos ng mga guro sa harap ng samu’t saring pahirap na pinagdaanan nila sa panahon ng Batas Militar ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Bagamat pormal na binawi ang proklamasyon ng Batas Militar noong 1981, hindi ito nangahulugan na bumalik ang lahat ng demokratikong karapatan ng mga mamamayan; nagpatuloy pa rin ang diktadurang pamumuno ni Marcos. Gayundin, lumala ang sitwasyon para sa mga batayang sektor ng lipunan, pati na rin para sa mga guro.
Gayumpaman, sinamantala ng mga guro ang maliit na puwang sa demokratikong espasyo simula 1981 upang mapabuti ang kanilang kalagayan sa trabaho at ipaglaban ang iba pang karapatan. Sa kabila ng sistemikong at institusyonal na pang-aapi, nagkaroon ng mga legal at metalegal na paraan upang manindigan ang mga guro. Bumuo ng mga bagong organisasyon sa panahong ito. Pangunahin na rito ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na itinatag noong 1982. Samantala, sa isang manual na inilathala noong 1984 upang matulungan ang mga guro sa kanilang mga legal na suliranin, inilahad ng Teacher Center of the Philippines ang kahulugan ng pagkilos na metalegal bilang mga kilos na “designed to create public awareness of the violations of teachers’ rights, and to awaken the conscience of school authorities and the faculty to remedy the violations and create all the necessary conditions to free the teachers from economic sufferings and political repressions.” Ilan sa mga halimbawa nito ang
1. Circulating petitions to school or government authorities
2. Dialogues withs school authorities
3. Mass delegations to the offices of school authorities.
4. Leaflets, pamphlets, letters to the editor
5. Indoor seminars, workshops, meetings or assemblies
6. Wearing of ribbons, sash, arm bands
7. Wearing of protest T-shirts
8. Mass leave of absence
9. Sit-down strike
10. Pickets
11. Fasting and vigils
12. Strikes or boycotts
13. Rallies, demonstrations, marches
Kakarampot man ang dagdag-sahod na nakamit ng mga guro noong maagang bahagi ng dekada 1980, dapat ring tandaan na resulta ito ng iba’t ibang pagkilos na metalegal na ginawa ng mga guro. Dagdag pa, dahil naging limitado rin ang epekto ng umento dulot ng mga salary deduction na ipinataw ng pamahalaan, napilitan ring bumalik sa mga metalegal na pagkilos ang mga guro upang igiit ang nararapat nilang makuha.
Ang welga ang isa sa mga pinakamabisang uri ng metalegal na pagkilos na ginamit ng mga guro noon, lalo na sa taong 1983. Isa sa pinakabantog na welga ay naganap sa Maynila nang ipataw ng pamahalaang lokal ang isa pang bawas-sahod sa mga pampublikong guro sa elementarya. Humigit-kumulang 11,000 hanggang 12,000 guro ang nagwelga. Noong 1983, isinagawa ng ACT ang mga protestang martsa sa Bacolod, Maynila, at Pampanga. Nagkaroon din ng mga welga ng mga guro sa Baguio, Zamboanga, at Davao, kung saan may humigit-kumulang 4,000 ang sumali. Ang mga propesor naman ng Unibersidad ng Pilipinas ay nagsagawa ng tinatawag na “slowdown strike.” Sa panahong ito, ang mga guro sa pampublikong paaralan sa antas primarya at sekundarya ay nagpahayag ng mariing pagtutol sa panukalang itakda ang minimum na “survival pay” sa kakarampot na ₱1,553.
Sa katapusan ng 1983, ang Samahan ng Gurong Pampubliko sa Mababa’t Mataas ng Paaralan (SGP) ay nagsagawa rin ng sariling aksyon para tutulan ang bawas-sahod noong Hulyo 1981 at hikayatin ang iba pang guro na mag-mass leave o mag-sit-in strike at ipaliwanag sa kanilang mga estudyante ang katwiran sa likod ng kanilang mga hinaing. Sa mga protesta, na kinabibilangan ng 3,000 katao sa martsang karamihan ay mga guro sa Maynila, itinampok din nila ang panawagan para sa pagbibigay ng clothing allowance at 1983 Christmas bonus, ang hirit para sa pagtaas ng kanilang buwanang basic pay mula ₱1,000 hanggang ₱1,500 at sa cost-of-living allowance mula ₱30 hanggang ₱100, at ang panawagan para sa implementasyon ng seksyon 26 ng Magna Carta para sa Public School Teachers na nag-uutos ng isang antas na pag-angat ng ranggo sa sahod ng isang guro pagkatapos ng pagreretiro. Habang ang mga pangyayaring ito ay nagaganap sa Maynila, meron namang humigit-kumulang na 6,000 na guro sa mga pampublikong paaralan sa Cebu, Bacolod, Baguio, Pampanga, at Davao ang nagsama-sama sa kalsada sa nakalipas na dalawang buwan. Sila ay nanawagan para sa mas mataas na sahod at kalayaang mag-organisa.
Sa parehong taon, umuusad na rin ang mga pagkilos sa mga pribadong paaralan, pati sa mga pamantasan. Halimbawa, noong ika-15 ng Oktubre 1983, inudyukan ni Fernando Elesterio, propesor sa De La Salle University (DLSU), ang kanyang mga kapwa edukador na iangat ang antas ng kanilang diwang makabayan: “Each of us has limited power. Unless we come together for an association, unless we give up a little of our individualism and parochial attitude, we teachers will ever remain not only without significant power but continue to be victims of powerful forces.” Sa panahong ito, tumindi ang pakikibaka ng unyon sa DLSU para sa dagdag na sahod at benepisyo. Halos magkakasabay din ang mga pagkilos na nangyayari noon sa Jose Rizal College, Lyceum, National College of Business Administration, at Silliman University. Nakatamasa naman ng malalaking tagumpay ang mga organisadong guro sa Gregorio Araneta University, Adamson University, at University of the East.
Ang serye ng mga aksyong masa sa buong 1983 ay matagumpay sa pag-udyok ng aksyon mula sa mga opisyal ng gobyerno. Halimbawa, iniutos ng Ministeryo ng Edukasyon sa mga pribadong paaralan na ipatupad ang Wage Orders №2 at 3. Gayundin, napilitan si Mayor Ramon Bagatsing ng Maynila na itigil ang bawas-sahod na ipinataw sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan sa lungsod.
Marahil ay hindi nagkataon lamang, pero sa gitna ng mga pagkilos na ito ay nagbitiw si Onofre Corpuz bilang ministro ng edukasyon sa katapusan ng 1983. Noong 11 Enero 1984, itinalaga ni Marcos si Jaime Laya upang pumalit kay Corpuz. Sa ilalim ng pamumuno ni Laya, nagpatuloy pa rin ang mga malawakang pagkilos. Ganito ang sitwasyon sa pagbubukas ng taong 1984. Sabay-sabay sa buong bansa ang mga hakbang na metalegal: sa Kamaynilaan, Davao, Bicol, Pampanga, at Negros. Napanatili ang ganitong militansya pati sa mga sumunod na taon hanggang sa tuluyang bumagsak si Marcos noong Pebrero 1986.
Isang mahalagang aral na mapupulot sa lahat ng ito ang tindi ng pangangailangang irehistro ang mga panawagan lampas pa sa mga konsiderasyong partikular sa mga indbidwal na paaralan, gaya ng isyu ng Education Act of 1982 at ang mga kaakibat na polisiya ng ehekutibo upang ipatupad ito. Nakita ng mga guro na sinasagasaan ng mga patakarang ito hindi lang ang karapatan ng mga mag-aaral sa abot-kayang edukasyon, kundi maging ang demokratikong espasyong dapat tinatamasa ng kaguruan:
In essence, the new educational thrusts deprive the teachers of initiative in the formulation not only of broad educational policies but also in the innovation of creative teaching methods and styles. Little room is left for teachers to experiment or to attempt at least in their classrooms, the redirection of education along nationalist lines. Moreover, teachers who attempt to effect genuine educational reforms are often branded as “radicals” or “subversive” and harassed.
Isa pang mahalagang aral ang pagiging bukas ng mga guro sa mga isyu na “labas” sa akademya, pati na rin ang pakikipagkabit-bisig sa mga batayang sektor kahit hindi sila guro. Hindi dapat magpakulong ang isang edukador sa mga tinaguriang “bread-and-butter issues.” Natuto ang mga guro na makialam sa mga usapin gaya ng repormang agraryo, pang-aabuso ng militar at pwersang paramilitar sa kanayunan, industriyalisasyon, ang mga epekto ng mga pautang ng International Monetary Fund at World Bank, kalayaan sa pamamahayag, at marami pa. Dahil rito, sumali ang mga guro sa mga pormasyong multisektoral. Noong 1985, naging bahagi ang ACT ng isang bagong-tayong organisasyon, ang Bagong Alyansang Makabayan na isang malawak na alyansa mga demokratikong pwersang kontra kay Marcos. Hindi rin maikakaila ang papel ng mga gurong nagtungo sa EDSA noong Pebrero 1986 para makiisa sa pagpapabagsak sa diktadura.
At gayundin, dapat ring kilalanin ang halaga ng mga gurong pinili ang landas ng armadong pakikibaka para sa isang rebolusyonaryong tugon sa mga istruktural na sakit ng bayang Pilipino. Si Jose Maria Sison, tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay naging propesor bago niya tinahak ang landas na ito. Samantala, naging sangay ng kaguruan ang Katipunan ng mga Gurong Makabayan (KAGUMA) sa kilusang komunista, at maraming guro ang nagtaya at nag-alay ng kanilang buhay bilang mga kasama.
Maraming iba’t ibang porma ng pakikipaglaban ang ginamit ng mga edukador sa panahon ng diktador. Mula sa mga legal at metalegal na pagkilos hanggang sa armadong pakikibaka, naging susing sektor ang kaguruan sa paglalahad ng isang mahalagang aral: na tanging sa sama-samang pagkilos ng masa makakamit ang isang lipunang hindi kontrolado ng iilan at tunay na kakalinga sa interes ng nakararami. Sa panahon ng Batas Militar, sabay naging guro at mag-aaral ang mga edukador sa mas malawak na silid-aralan ng bayang Pilipino.