Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador

Act Forum Online
9 min readJul 3, 2023

--

Sanaysay 6: ABNPKBBPLA ang Sweldo ng Guro

ni Mike Pante

Ang sanaysay na ito ay bahagi ng seryeng “Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador” na ukol sa sistema ng edukasyon sa bansa noong panahon ng diktadura mula 1972 hanggang 1986. Bawat sanaysay sa serye ay tatalakay ng isang aspekto ng pagiging guro noong rehimen ni Ferdinand E. Marcos. Pagsusuri ito sa buhay-edukador sa panahon ng ligalig at pagtindig.

Tila balintuna na habang lumalalim ang komersalisasyon at pagpasok ng pribadong kapital sa sektor ng edukasyon noong panahon ni Ferdinand E. Marcos, lalo na matapos ang deklarasyon ng Batas Militar, kasabay naman nito ang pagbagal ng pagtaas ng sahod ng mga guro kumpara sa presyo ng bilihin at suweldo ng iba pang may kahalintulad na propesyon. Gayumpaman, hindi ito isang kontradiksyon. Kaakibat ng komodipikadong edukasyon sa balangkas na neoliberal ang tuluy-tuloy na pag-atras ng estado sa mga responsibilidad nitong magbigay ng abot-kayang serbisyo-publiko. Pinakalantad na manipestasyon nito ang pagliit ng porsyento ng pambansang badyet na napupunta sa Kagawaran/Ministeryo ng Edukasyon, gaya ng naipakita sa ikalawang sanaysay sa seryeng ito.

Malalim ang naging epekto sa sistema ng edukasyon ng mababang pasahod sa mga guro. Ayon kay Eusebio San Diego sa artikulo niyang “Prodding Underpaid Teachers to Support a New Educational Thrust” na inilimbag ng FOCUS Philippines noong ika-23 ng Oktubre 1982, dumami ang mga guro sa pampublikong sektor ang lumipat sa ibang tanggapan ng pamahalaan o sa mga pribadong kumpanya. Marami rin ang nangibang-bayan hindi upang magturo kundi gumawa ng trabahong malayo sa kanilang kasanayan, gaya ng pagiging kasambahay o kawani sa mga pagamutan. Para kay San Diego, larawan ng trahedyang ito ang sitwasyon ng isang guro sa Quezon City:

This case of a woman teacher at the Bago Bantay Elementary School, Quezon City, underscores the hard-pressed lives of teachers: She has been forced to do the laundry chores of her neighbors in a desperate effort to augment her meager income from the exercise of her chosen profession. Come to think of it — a teacher saddled with so many duties and responsibilities and who still finds time and energy to be a labandera must be an extraordinary person.

Malalim rin ang ganitong sentimyento sa mga gurong nasa mga probinsya. Daing ni Silvestra P. Fano ng Matiao Central Elementary School sa Mati sa probinsya ng Davao:

We have dedicated the best years of our lives to teaching. Our hair has grown gray in the performance of our duties and responsibilities. We qualified for our job with appropriate civil service eligibilities. Then, why are we receiving unjust compensation and subjected as well to numerous salary deductions?

Sala-salabat ang kaltas sa sweldo ng guro lalo na noong dekada ’80. At tila masamang biro na isa sa mga kaltas na ito ay ipinag-utos ng pamahalaan matapos ang paglalabas ni Marcos ng Executive Order (EO) 722 noong ika-27 ng Agosto 1981 na nagtataas sa sahod ng mga guro: Paliwanag ng Ministeryo ng Badyet, may mali sa implementasyon ng nasabing EO kung kaya’t dapat ibawas mula sa buwanang sahod ng mga guro ang diumano’y labis na umento. Iba-ibang halaga ng buwanang kaltas, mula P78 hanggang P320, malaking bagay noong panahong iyon.

Sa unang tingin, nagresulta ang EO 722 ng pagtaas ng sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Mula P666, ginawang P904 kada buwan ang batayang sahod ng mga guro sa pinakamababang antas. Pero dahil sa mga nasabing kaltas, halos hindi rin naramdaman ng mga guro ang umento.

Tila hanging dumaan lang at hindi nagtagal ang dagdag-sahod bunga ng EO 722. Noong 1983, dalawang taon matapos ibaba ang EO, nasa P938 lang ang average na buwanang gross pay (batayang sahod + allowances) ng lahat ng pampublikong guro sa antas-elementarya (P11,267 kada taon/12 buwan; tingnan ang talahanayan sa baba). At dahil sa pagbagsak ng ekonomiya sa mga sumunod na taon dulot ng sablay na pamamalakad ng diktadura, bumaba ang real value ng sahod ng guro. Kung gagamiting batayan ang halaga ng piso noong 1983, P790 na lang ang aktuwal na halaga ng average na buwanang gross pay ng mga nagtuturo sa elementarya. Hindi rin nalalayo rito ang mga pigura para sa antas-sekundarya.

Isa pang mahalagang punto ni San Diego ang bumababang bilang ng mga estudyante sa kolehiyo na kumukuha ng kursong edukasyon. Produkto ito hindi lang ng mababang sahod sa pagtuturo kundi ng mga iba pang pasanin gaya ng mga dagdag-gawain na ibinibigay sa mga guro, gaya ng sapilitang pagtulong sa mga presinto tuwing magdaraos ng halalan o sa mga palaro kung saan nag-aambag din sila ng sarili nilang pera at lakas-paggawa. Dagdag-pasanin din ang maya’t mayang pagbabago sa kurikulum at estilo ng pagtuturo na ipinapataw ng mga institusyong multilateral gaya ng World Bank. Isang halimbawa rito ang Program for Decentralized Educational Development, na tinalakay na sa ikatlong sanaysay ng seryeng ito.

Magkatambal ang mababang sahod ng mga guro at ang nibel ng prestihiyo na nakakabit sa propesyon ng pagtuturo. Sa kasawiang palad, dumausdos nang todo ang prestihiyong ito sa panahon ni Marcos. Batay sa Philippine Educational Indicators, na inilimbag ng Fund for Assistance to Private Education, ang kategoryang “teacher training” ang pinakapopular na kurso para sa mga estudyanteng nasa mga pribadong kolehiyo at pamantasan mula sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa simula ng termino ni Marcos. Sa taong pampaaralang 1967–68, umabot ito sa rurok na 190,653 estudyante na nagpatala sa mga nasabing kurso, na bumubuo sa halos 35 porsyento ng lahat ng mag-aaral. Subalit pagdating sa taong pampaaralang 1971–72, bumagsak ang bilang na ito sa 84,391, o 13 porsyento ng mga estudyante. Sa parehong taon, 245,062 (40 porsyento) ang pumasok sa mga kursong “commerce and business administration” at 122,378 (20 porsyento) naman para sa “liberal arts and sciences.” Lumagapak pa ang popularidad ng kursong edukasyon matapos ang deklarasyon ng Batas Militar: 6 porsyento na lang ang nasa “teacher training” sa taong pampaaralang 1974–75.

At mismong mga kalihim at ministro ng edukasyon ni Marcos sa abang kalagayan ng mga guro. Sabi ni O. D. Corpuz, kalihim ng edukasyon mula 1967 hanggang 1971 at ministro ng edukasyon mula 1979 hanggang 1984, napag-iwanan ang pagtuturo bilang propesyon noong Batas Militar. Sa isang talumpati sa harap ng mga guro, inamin niya, “teaching as a career lost out to many more attractive professions and vocations during the period or rapid economic growth over 1972–1982. We lost many teachers to other jobs and to other countries; fewer students were enrolling to teacher education; and many of those who enrolled were from the low scorers in the NCEE [National College Entrance Examination].” Pero kabig ni Corpuz, nabaliktad naman daw ang ganitong sitwasyon simula 1980.

Pero taliwas ang huling puntong ito pag inihambing sa pahayag ni Jaime Laya, ministro ng edukasyon sa mga huling taon ng panunungkulan ni Marcos. Ayon sa talumpati niyang “Educational Policy Directions and Options” noong 1985, na nasama sa librong Moving Forward in Education, meron pang mga guro sa antas-sekundarya na nakatatanggap lang ng P500 buwanang sahod at madalas pang umaabot ng ilang buwan ang pagiging huli ng pagdating ng sweldo. Dagdag pa ni Laya, nandoon pa rin ang palagiang bigat sa guro ng pagiging takbuhan ng gobyerno pagdating sa pagiging kawani sa halalan:

Without an immediate improvement in the salary scheme, we can only anticipate the continued non-attractiveness of teaching as a profession. The signs are all too clear. There is an increasing number of the best and younger teachers leaving for greener fields in teaching and clerical work here and abroad, and in domestic service in the Middle East, Hong Kong, and elsewhere. The best college students do not even give a second thought to teaching as a career. There is even the prospect of not having enough teachers to handle the increased enrolment of the future, particularly in the remote areas.

Samantala, sa hanay ng mga guro sa pribadong sektor, naroon naman ang problema ng bigat ng pinapasang trabaho. Ayon pa rin sa nasabing talumpati ni Laya: “Among private schools, some teachers assuming maximum teaching load in three schools handle, on the sly, as much as 36–45 class hours each week. They moonlight at nonteaching jobs. It is only with such killing practices that they can earn a decent income.”

Sa harap ng mga pahirap na ito, nagpunyagi ang mga guro upang mapabuti ang kanilang kalagayan. Katunayan, produkto ng sama-samang pagkilos ang taas-sahod na atas ng EO 722. Dahil sa baba ng sahod, maraming organisasyong pangguro ang nagpahayag ng pagkadismaya. Nagpasimula ang Zamboanga Public School Teachers’ Association ng banta ng isang pambansang mass leave noong 1981. Kaugnay nito, humarap ang mga lider-guro kay Marcos sa Malacañang noong ika-24 ng Agosto 1981 matapos nilang magbanta ng isang “sit-in strike” na nakatakda sana sa ika-26 ng kaparehong buwan. Hindi natuloy ang tigil-paggawa, at ibinaba ni Marcos ang EO.

Natalakay sa nakaraang sanaysay ng seryeng ito ang pagpasa sa Batas Pambansa 232 o ang Education Act of 1982. Kailangan ding balikan na sa panahong ito, kaliwa’t kanan ang mga kilos-protesta ng mga guro para manawagan ng dagdag-sahod. Sa ulat ni Rod L. Villa Jr. na “Pay Hikes Sought” sa Bulletin Today noong ika-6 ng Setyembre 1982, nabanggit na kasabay sa pagdiriwang ng Education Week, nagbanta si Feliciano Casbadillo ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) ng isang walk out kung hindi matutugunan ang nasabing panawagan. Sa panahong ito, nasa P1,000 ang buwanang floor pay ng mga guro, subalit hindi sila kontento rito lalo na at hindi sila naisama sa malawakang taas-sahod sa mga kawani ng gobyerno na inanunsyo noong 1981 at naging epektibo noong 1982.

Natigil rin ang mga kuwestiyonableng kaltas sa sahod ng guro noong 1983. Sa isang artikulong “MPSTA’s Casbadillo: Taking Up the Cudgels for Teacher’s Welfare” ni M. Coronel Ferrer na inilimbag sa Hunyo 1983 na isyu ng Philippine Journal of Education, nailahad ang reklamo ng mga guro ukol rito, dahilan upang ipatigil ni Marcos ang mga kaltas noong Oktubre 1982 pero hindi rin ito nasunod. Dahil diyan, sa buong buwan ng Enero 1983, sinuyod nina Casbadillo, ang kasama niyang si Oscar Pascual, at iba pang mga lider-guro ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan. Sa kasawiang palad, walang positibong resulta. Nagkaroon na lang ng maayos na kalutasan ito matapos ipilit ng mga guro ang isang dayalogo sa Malacanang. Ayon sa lingguhang tala ng Official Gazette para sa ika-23 hanggang ika-31 ng Enero 1983, sa pangunguna ni Casbadillo at iba pang pinuno ng MPSTA, nakipagdayalogo ang ilang guro kay Marcos para tuluyan nang mahinto ang mga kaltas.

Inilarawan sa artikulo ni Ferrer ang pakikibaka ni Casbadillo, na higit na kilala sa palayaw na Casba, kahit pa sa harap ng mga maling paratang laban sa kanya:

For being the spokesman in all these negotiations, Casbadillo had to face the ire heaped on the mentors by government officials who, faced with budget overruns and dwindling resources, have no ready cash for the teachers’ monetary claims. Furthermore, formal complaints have been slapped on Casba: the day-to-day follow-ups he made as an active MPSTA chairman had necessitated frequent absences. One education official even went to the extent of accusing Casbadillo of being a “subversive.” But the other teachers won’t allow it — “It was us who planned this,” one teacher reportedly answered back.

Sa mga guro sa kasalukuyang panunungkulan ni Sara Duterte bilang kalihim ng edukasyon, lubhang pamilyar ang kwento ng mga gaya ni Casbadillo na pinaratangang subersibo dahil lang sa paglalabas niya ng hinaing ukol sa mababang sahod ng kanyang propesyon. Patunay din ito ng malubhang kalagayan ng ating pamahalaan pagdating sa sektor ng edukasyon — mula sa administrasyon ni Marcos Sr hanggang kay Marcos Jr, wala pa ring pagbabago.

larawan mula sa Bulatlat
Image from The Guidon

Mike Pante is an Associate professor from the Department of History, Ateneo De Manila University. He is a member, Tanggol Kasaysayan.

--

--

Act Forum Online
Act Forum Online

Written by Act Forum Online

Act Forum Online is the site of Alliance of Concerned Teachers, the largest nontraditional teachers’ organization in the Philippines.

No responses yet