Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador

Act Forum Online
7 min readJun 1, 2023

--

ni Mike Pante

Sanaysay 5:

Edukasyong Neoliberal at ang Education Act of 1982

Ang sanaysay na ito ay bahagi ng seryeng “Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador” na ukol sa sistema ng edukasyon sa bansa noong panahon ng diktadura mula 1972 hanggang 1986. Bawat sanaysay sa serye ay tatalakay ng isang aspekto ng pagiging guro noong rehimen ni Ferdinand E. Marcos. Pagsusuri ito sa buhay-edukador sa panahon ng ligalig at pagtindig.

Deregulasyon ang isa sa mga haligi ng neoliberalismo. Layon ng ganitong pang-ekonomikong balangkas ang pagsiguro na katiting lang ang papel ng estado sa pagtatakda ng mga pamantayan sa pamamalakad ng mga negosyo. Sa pangkalahatan, ang tulak ng merkado ang dapat maging pangunahing salik, habang ang pagmamatyag ng pamahalaan ay tila baga sagabal o tinik.

Ang pagsusuri sa mga patakaran ng estado sa matrikula ng mga pribadong paaralan sa buong panahon ni Marcos ay nagpapakita kung paano ang mga administrador ng pribadong paaralan ay lalong nakakuha ng pakinabang. Tatlong batas ang tututukan ng pansin para rito: Republic Act (RA) 6139, Presidential Decree (PD) 451, at Batas Pambansa (BP) 232.

Noong 1970, dalawang taon bago ang Batas Militar, ipinasa ng Kongreso ang RA 6139, o An Act to Regulate Tuition and Other School Fees of Private Educational Institutions, upang bantayan ang mga bayarin sa paaralan. Nagpataw ang batas ng ilang mekanismo sa mga paaralang nagpaplanong magtaas ng matrikula. Kung may sapat na pagtutol sa antas ng paaralan sa iminungkahing pagtaas, magpupulong ang isang Local Schools Council on Fees upang magkaroon ng maayos na kalutasan. Ayon sa Seksyon 3 ng batas:

If after such [tuition hike] notice is made, a formal opposition against such increase is presented to the school administration within thirty days after receipt of said notice by at least a majority of the student governing body or at least twenty per cent of the parents, in case of schools below college or university level, then the Local Schools Council on Fees herein created shall be convened to act on the controversy. Copy of said opposition shall be served on the Director of Private Schools who shall immediately, upon receipt, transmit said opposition to the corresponding Regional Superintendent of private schools and direct that the Local School Council on Fees be immediately organized and convened by said Regional Superintendent.

Kritikal ang Local Schools Council on Fees dahil sa komposisyon nito at pagsisigurong hindi maaaring magsagawa ng basta-bastang konsultasyon gaya ng nangyayari ngayon. May boses rito hindi lang ang pamahalaan at may-ari ng paaralan kundi ang iba pang mahalagang sektor:

The Local School Council on Fees shall be composed of the following: (1) one representative from the school administration to be chosen by the school concerned; (2) two representatives from the student body to be chosen by the student council or student government, or two representatives from the Association of Parents or in default thereof, the Parents-Teachers Association in case of schools below the college or university level to be chosen by the said association; (3) one representative from the Faculty Club or Association; and (4) The Director of Private Schools or his authorized representative in the area who will act as Chairman. While sitting as a Board and in aid of its function, said Board may issue subpoenas to compel attendance of witnesses, may administer oaths, may examine any person under oaths and may require the production of any books or papers relevant to the case.

Dahil rito, hindi naging madali para sa mga administrador ng mga pribadong paaralan ang magtaas ng matrikula, at tila kinailangan pa ang deklarasyon ng Batas Militar para magkaroon sila ng mas maluwag na sitwasyon. Dahil ipinasara ang Kongreso, walang sagabal para kay Marcos ang paglalabas niya ng PD 451 noong 1974, “Authorizing the Secretary of Education and Culture to Regulate the Imposition of Tuition and Other School Fees.” Malinaw na isa itong pagbasura sa RA 6139:

WHEREAS, the procedure prescribed under R.A. №6139 for the increase of tuition and other school fees has been proved to be too cumbersome and time-consuming, and is not conducive to the growth and improvement of private educational institutions and the well-being of their employees . . .

Kaiba sa RA 6139, hindi nagpataw ang PD 451 ng masinsing proseso upang matugunan ang oposisyon sa antas ng paaralan laban sa mga iminungkahing pagtaas ng matrikula. Sa halip, itinakda nito na hanggang 15 porsiyento lang ang maaaring itaas ng matrikula sa isang taon, na kung tutuusin ay isang napakataas na bahagdan kung ikukumpara sa taunang tantos ng inflation. Upang mapawi ang mga agam-agam ukol sa mga administrador na aabuso sa patakaran, ipinagbawal ng PD 451 ang anumang pagtaas ng matrikula na hindi maglalaan ng sapat na bahagi ng mga nalikom na taas-matrikula para sa sahod ng mga guro at manggagawa: “That no increase in tuition or other school fees or charges shall be approved unless sixty (60%) per centum of the proceeds is allocated for increase in salaries or wages of the members of the faculty and all other employees of the school concerned.”

Gayunpaman, hindi tumigil rito ang layunin ni Marcos na ipagpatuloy pa ang deregulasyon pabor sa mga pribadong paaralan. Kapuna-puna na may mga administrador ng pribadong paaralan na hindi pa lubusang nasiyahan sa PD 451 at tila naiinis pa rin sa diumano’y pagiging istrikto nito. May mga kaso pa ngang umabot sa Korte Suprema na kumuwestiyon sa dekreto. At nang nagkaroon ng isang komprehensibong panukalang batas ukol sa edukasyon noong simula ng dekada 1980, napag-usapan sa mga talakayan kung paano maaaring makinabang dito ang mga pribadong paaralan, lalo na yaong mga umaasa sa kikitaing tubo mula sa matrikula. Naipasa ang panukula at naging batas na ngayon ay kilala bilang Education Act of 1982 o Batas Pambansa 232.

Larawan mula sa Pinoy Weekly

Naging batas ang BP 232 sa panahong naibalik ang isang pambansang lehislatura, ang Batasang Pambansa, bagamat isa itong rubber-stamp congress. Pinatibay ng BP 232 ang pagsunod ni Marcos sa mga imposisyon ng World Bank, kabilang ang buong-pusong suporta para sa pribadong edukasyon. Ang resulta ay isang batas na nagbigay sa mga administrador ng pribadong paaralan ng lubhang nakapakalaking bentahe para magkamal ng tubo. Ang dapat na mga pananggalang ng PD 451 ay inalis, na lalong nagpasidhi sa deregulasyon sa pagtaas ng matrikula:

Each private school shall determine its rate of tuition and other school fees or charges. The rates and charges adopted by schools pursuant to this provision shall be collectible, and their application or use authorized, subject to rules and regulations promulgated by the Ministry of Education, Culture and Sports.

Sa teorya, binibigyan ng BP 232 ang Kagawaran ng Edukasyon ng kapangyarihan na hindi aprubahan ang mga hindi makatwirang panukalang pagtaas ng matrikula. Gayunpaman, dahil sa pagiging maluwag ng probisyon ukol rito, maaari ring magpasya ang kagawaran na payagan ang karamihan, o maging ang lahat, ng mga panukala upang maiwasan ang dagdag na burukratikong pasanin na kaakibat ng matagal na negosasyon.

Itinuturing ang BP 232 ng mga tagapagtaguyod nito bilang isang batas na batay sa mga prinsipyo ng pagkakapantay-pantay dahil sa pagpapalawig nito ng tulong pinansiyal ng pamahalaan sa mga pribadong institusyon. At kahit matapos pirmahan ang BP 232, ipinagpatuloy pa ni Marcos ang pagdidirekta ng mga pondo ng gobyerno sa mga pribadong paaralan sa ibang paraan, tulad ng makikita sa kanyang Letter of Instruction 1449 noong 1985, na nagtakda ng pamamaraan para tumulong ang estado sa mga pribadong paaralang may problema sa pananalapi.

Pero sa kabila ng kaliwa’t kanang tulong ng estado sa mga pribadong paaralan at deregulasyon ng mga pagtaas ng matrikula, ang mga guro ay nanatili sa kanilang agrabyadong posisyon. Hindi tuloy kagulat-gulat na dalawa sa mga ministro ng edukasyon ni Marcos, sina Jaime Laya at O. D. Corpuz, ay kapwa prangka sa kanilang konklusyon na bumaba nang husto ang prestihiyo ng pagtuturo bilang propesyon noong Batas Militar.

Habang ang BP 232 ay nakatulong sa deregulasyon ng pagtaas ng matrikula para sa mga may-ari ng pribadong paaralan, hindi naiiba ang pilosopiya nito ng pagtuturo sa mga naunang patakaran ni Marcos. Sumusunod ito sa oryentasyon ng PD 6-A ng 1972 o ang Educational Development Decree. Batay rito, itinuring ng iskolar na si Josefina Cortés ang BP 232 na mababaw, katulad ng naunang dekreto, dahil nakabatay ito sa makitid na nosyong teknikal lang ang mga problema ng edukasyon kung kaya’t malulutas ito sa pamamagitan lang ng pagiging mas epektibong pamamalakad. Kapwa bulag ang PD 6-A at BP 232 sa mga istruktural na suliranin na ugat ng mahinang sistema ng edukasyon.

Marahil ang pinakamabigat na dagok ng BP 232 ay kung paano nito naging daan sa pagdagsa ng mga korporasyon at milyonaryo, kabilang ang mga crony ni Marcos, sa sektor ng edukasyon. Matapos mapatalsik ang diktador, nagawa pa rin ng mga crony at mga tagasuporta ni Marcos tulad nina Lucio Tan at Emilio Yap na kontrolin ang malalaking pribadong institusyon tulad ng University of the East at Centro Escolar University at gawin ang mga itong makina ng dambuhalang kita.

Larawan mula sa Bulatlat

Apat na dekada matapos ang Education Act of 1932, abot-langit na ang taas ng matrikula, pero tila hampas-lupa ang trato sa mga guro dahil sa baba ng sahod. Patunay ito ng pananatili ng ilang mga “pamana” ni Marcos hanggang ngayon.

Mike Pante is an Associate professor from the Department of History, Ateneo De Manila University. He is a member, Tanggol Kasaysayan.

--

--

Act Forum Online

Act Forum Online is the site of Alliance of Concerned Teachers, the largest nontraditional teachers’ organization in the Philippines.