Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador

Act Forum Online
5 min readMar 15, 2023

--

ni Mike Pante

Sanaysay 2: Eduk Budol Badyet

Ang sanaysay na ito ay bahagi ng seryeng “Ang mga Edukador sa Panahon ng Diktador” na ukol sa sistema ng edukasyon sa bansa noong panahon ng diktadura mula 1972 hanggang 1986. Bawat sanaysay sa serye ay tatalakay ng isang aspekto ng pagiging guro noong rehimen ni Ferdinand E. Marcos. Pagsusuri ito sa buhay-edukador sa panahon ng ligalig at pagtindig.

Humina ang edukasyon noong Batas Militar, at maraming salik sa likod nito. Isa sa mga pangunahing salik ang kapos na badyet na inilaan rito ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Kung tutuusin, taun-taon ang pagtaas ng badyet para sa edukasyon mula 1972 hanggang 1986, maliban na lang noong 1980. Gayumpaman, hindi ito sapat na pamantayan para makita ang halagang inilalaan ng estado para rito, bagay na mapapalitaw ng mga estadistikang tatalakayin sa ibaba na mula sa mismong datos ng pamahalaan, partikular ang 1986 Philippine Statistical Yearbook na inilimbag ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng Philippine Educational Indicators ng The Fund for Assistance to Private Education.

Mula 1952 hanggang 1972, 29% ng pambansang badyet ang average na bahagdan na nakalaan sa Kagawaran ng Edukasyon. Sa panahong ito, pinakamababang alokasyon ang 24.97% noong 1970 — na masasabing kakatawan pa rin sa ¼ ng pambansang badyet. Naabot naman ang pinakamataas na porsyento (31.16%) noong 1967 nang naglaan si Marcos ng ₱646,123,570 para sa kagawaran mula sa kabuaang badyet na ₱2,073,825,028.

Mababago ang lahat ng ito nang maging diktador si Marcos noong 1972. Noong 1973, ang unang taong nakapaghanda ng badyet ang pamahalaan matapos ang deklarasyon ng Batas Militar, lumagapak nang todo ang porsyento ng alokasyon para sa edukasyon, mula sa 26.23% ng pambansang badyet noong 1972, bumagsak ito sa 16.33% — ang unang beses na naging mas mababa sa 20% ang pigurang ito sa loob ng dalawang dekada. Sa katunayan, hindi na ito aakyat sa 20% hanggang sa pagtatapos ng rehimeng Marcos.

Mula 1973 hanggang 1986, 11% lamang ng pambansang badyet ang average na bahagdan na nakalaan sa Department/Ministry of Education (na naging Ministry of Education and Culture kalaunan). Higit na kalunus-lunos ang numerong ito kung ihahambing sa paglobo ng pambansang badyet. Noong 1973, halos dumoble ang pambansang badyet nang tumaas ito mula ₱4,169,732,780 at umabot sa ₱7,941,154,696 (90.45% na pagtaas); samantala, ₱1,296,695,883 lamang ang nakalaan sa edukasyon (16.33% ng kabuuang badyet).

Noong 1980, nabawasan pa nga ang badyet sa edukasyon mula sa nakaraang taon (₱3,414,378,000 kumpara sa ₱3,447,234,000 noong 1979) kahit na tumaas ang pambansang badyet nang 18%. Sa apat na taunang badyet mula 1980 hanggang 1983, ni hindi man lang umabot ng 10% ang laan para sa edukasyon.

Nakalulungkot pa lalo ang sitwasyong ito kapag hinambing sa sektor ng militar, na siyang nakinabang nang husto noong diktadura. Ayon mismo sa tala ng Official Gazette, lumobo nang 500% ang badyet para sa kasundaluhan sa unang apat na taon ng Batas Militar, mula P880 milyon noong 1972 sa P4 bilyon noong 1976.

Pero habang paliit nang paliit ang bahagdan ng badyet ng para sa edukasyon, tila parami nang parami ang utang na nakukuha ng rehimen mula sa mga institusyong multilateral gaya ng World Bank. Sa katunayan, bumuo pa nga ng isang task force sa loob ng Department of Education and Culture para lang imonitor ang mga proyektong pang-edukasyon na pinondohan sa ganitong paraan. Ito ang Educational Development Projects Implementing Task Force (Edpitaf).

Pangunahin sa mga layunin ng Edpitaf ang pagpapadaloy ng mga pautang mula sa World Bank papunta sa mga tukoy na proyekto. Malalaking halaga ng pera ang hinawakan ng task force; sa katunayan, naglabas pa ng dekreto si Marcos (PD 6-A ng 1972) para amyendahan ang RA6142, ang Foreign Borrowing Act, para magkaroon ng ligal na basehan ang mas malalaking pautang mula sa World Bank na ginamit para pondohan ang ilang mga kuwestiyonableng proyekto, gaya ng textbook project nito.

At heto na nga ang balintuna, dahil sa mga utang, kinailangan na lumaki rin ang porsyento ng badyet na kakainin ng pambayad sa utang (debt servicing), bagay na makaaapekto (at nakaaapekto magpahanggang ngayon) sa halagang maaaring ilaan sa edukasyon. Samantala, dahil sa ganitong sitwasyon ng badyet para sa edukasyon, hindi rin makaasa ang mga guro sa tuluy-tuloy ng pagtaas ng kanilang sahod. Sa katunayan, sa taong 1981, sa ikalabinlimang taon ng pagiging pangulo ni Marcos, wala pang P800 ang buwanang batayang sahod. Sa taong ito, itinaas niya ito sa P904 sa bisa ng isang Executive Order (https://www.officialgazette.gov.ph/1981/08/31/official-week-in-review-august-24-august-30-1981/). Kung ikukumpara sa tinatanggap ng mga nasa sangay ng militar ng mga bagong gradwado mula sa Philippine Military Academy, sa taong 1975 pa lamang, P900 na ang buwanang batayang sahod ng isang First Lieutenant at P700 para sa Second Lieutenant — pihadong mas mataas pa diyan ang natanggap nila pagdating ng 1981 (https://www.officialgazette.gov.ph/1975/12/22/presidential-decree-no-854-s-1975/).

Hindi tuloy kataka-taka na nabawasan nang husto ang prestihiyo ng bokasyon ng pagtuturo noong Batas Militar. Mainam balikan ang siping ito sa artikulong “Teacher Education in the Philippines” ni Julieta Savellano (1999, p. 260) na inilimbag sa Philippine Studies. Aniya, humina nang husto ang bilang ng mga estudyanteng pumasok sa mga kursong edukasyon sa kolehiyo noong dekada 70 at 80 kung ikukumpara sa dekada 50 at 60.

Larawan mula sa Educators Forum, Towards Relevant Education, p. 34

During the decades of the 1950s and 1960s, teacher education accounted for the biggest enrollment at the tertiary level. Approximately one out of three students at the collegiate level was enrolled in teacher education. This popularity of teacher education programs during this period may be attributed to their accessibility in universities and colleges throughout the country and the big demand for teachers in a time of rapid school expansion. During the latter part of the 1970s, however, specifically during 1977–1978, enrollment in teacher education programs dropped to about five percent of total tertiary level enrollment. After this year, teacher education enrollment rose gradually until it reached 18 percent of the total enrollment in 1990–1991. The sharp decline in teacher education enrollment during the 1970s and 1980s maybe ascribed to a number of factors including the low salary of and consequently low prestige accorded to elementary and secondary school teachers. Moreover, teacher education after the 1960s created a negative image as the “easiest course . . . and the dumping ground for those who could not make it to the other professions.” (Savellano 1999, 260)

Tandaan natin na noong dekada 50 at 60 nakita ang pinakamalaking alokasyon ng pambansang badyet, habang ang pinakamaliit ay naranasan noong dekada 70 at 80. Nagkataon lang ba? Tingin ko ay hindi.

Mike Pante is an Associate professor from the Department of History, Ateneo De Manila University. He is a member, Tanggol Kasaysayan.

--

--

Act Forum Online

Act Forum Online is the site of Alliance of Concerned Teachers, the largest nontraditional teachers’ organization in the Philippines.